"Mabuti nang manahimik"
Halos kalahati na ng buhay ko ang lungkot sa akin
Tinakpan ng dilim ang liwanag nitong hangarin
Ang nais ko lamang na ligaya sa buhay ko
Tila naglaho na ang pag-asang maisakatuparan ito
Pilit ko pa ring tinatahi ang mga punit na sandali
Mga ala-alang nabahidan na rin ng putik at pighati
Nagsilbing mantsa na nakatatak tila naging palamuti
Anumang palit ko ng damit hindi ko maikukubli
Ganito pala kapag nasasaktan pagkatapos mamamanhid
Di na muli pang magmamahal subalit di mapapansin
Na may biglaang darating at magpukaw sa paningin
Sa di mo inaasahang panahon ang siyang susulpot sa atin
Maraming katanungan ang magdadagsa sa isip
Mga katanungang "bakit" tila ba isang panaginip
Karugtong ng "gusto" pero kaakibat ng "subalit"
Susundan ng "paano" "kung" pagtapos biglang pait
Mahirap muling bumangon, kasing hirap magtiwala ngayon
Sa dami at grabe ng aking pinagdaanan mula pa noon
Masisisi pa ba ako ng panahon at pagkakataon?
Kung ang karanasang iyon nagbigay aral sakin at leksyon
Sa ngayon di kailangang umimik, upang damdamin ay mapansin
Mas nanaisin ko nalang magmasid, sa di kalayuan at manahimik
Kung ang ngiti mo lamang masisilayan, sapat na iyon bilang dahilan
Upang masabi kong tapos na, ang dilim muling liliwanag pa
mad | pro