What's new

Closed Light novel [5 frames] - filipino work

Status
Not open for further replies.

maruko_066

Addict
Joined
Feb 25, 2018
Posts
117
Reaction
22
Points
116
Age
23
Basta naibabalik sa limang pahina ng sitwasyon o oras.
-
5 Frames
Genre : Psychological - Philosophical, Mystery
Author : Marco Baculi

Author's note :
Wala lang, sinulat ko lang kung anong nasa utak ko, pero wag ka binabalaan kitang magugulo ang pananaw mo sa pagbabasa nito, at ke-kwestiyonin mo kung sino ka bang talaga.

Chapter 1 -
Desisyon, ano nga ba ang desisyon? maglakad sa tabi ng daan, umupo sa waiting shed na walang hinihintay o meron man, kumain sa labas, maligo at matulog, alinman sa mga 'yan, hindi ko alam, ikaw na nagbabasa nito, meron ka bang ideya? pero sigurado ako, anumang ginagawa ko ngayon ay isang desisyon. So, nandito ako ngayon nag-aaral sa school, nag-aaral oo, napakabait ko hindi ba? Isa lang naman ako sa pinaka-masipag sa klase, sipsip sa madaling salita. Isabela State university, ISU in short, sa logo may makikita kang Ice cream sa gitna pero liyab ng apoy ang laman, na may background na bundok sa magkabilaan, at para makumpleto, malawak na daan sa ibaba, na para bang kontinente sa isang tingin, Sa bawat building, nakalakip ang mga 'to katabi ang mga salitang "Architecture" -
"Education"
"Information Tech" -
"Automotive" "C.r" at mga iba pang uri ng building. Normal at tipikal lang na unibersidad pero ang nakakatuwa, yung hugis ng buong plano ng paaralan ay letrang "U", yung kurba sa harapan ang nagsilbing pasukan at mga office, pero kahit sabihin nating harapan 'to, malaki parin ang agwat nito sa gate, na may tatak din ng ISU.

Habang naka-upo dito sa isang partikular na room at klase dito sa building ng DAS o department of arts and science, tanaw ko rin ang mga ibang building mula sa nakabukas na bintana sa kaliwang tabi ko, Isang repleksyon ng straktura kung nasan ako ngayon ang bumungad parang salamin. Habang sinusulyap ko isa-isa, may na-a-alala ako na makakasira ng atensyon ko sa pakikinig sa gurong nasa harapan ngayon, kung sino man s'ya, hindi na importante yun sa ngayon. At nagsimula na ngang tumakbo ang isipan ko.
Kung bibigyan ko ng sariling meaning ang arkitektura, wala akong maiisip, ang alam ko lang naman dito, mag do-drawing ka lang hanggang sa mamaga yang pwet mo, kase kahit ako naranasan ko na yan nung high school, Iba't bang measurement tools dala ko dati, tulad ng T-square, kung nagtataka kayo kung san sa bag ko ibubulsa yan, mali, Iniiwan pala namin sa room yan.
BTTE (education) - Sa tingin ko, magbase nalang tayo sa salita mismo, hindi ko na dapat iexplain isa-isa yan.
Patuloy parin ang pagsasalita ng teacher sa harapan base sa naririnig ng tenga ko, pero hinayaan ko nalang maging background music ang boses nya habang naglalakbay ang mga mata ko labas. Dahan-dahan at naging bulong na nga ang mga ingay na nasasagap ko.
ICT (Information tech) - Computer tapos computer shop, pero wag ka, malaki sahod at libre ng tagabantay, kung meron free 2gb sa YøùTùbé ang globe, sa kompyuteran, hanggang sa mawalan ka nang mata sa kapa-panood, hindi lang sa YøùTùbé!

"Seat. no. 29!"
Mula sa pamilyar na boses. 29 kung nasan ako.
Pero teka.
Hindi porke't sipsip ako dapat nasa harapan, may kanya-kanya tayong stratehiya. Sa buong room may 30 na upuan, bandang 30 walang nakaupo, sa madaling salita, ako yung nasa dulo, kumbaga sa gyera, taga-pana. yun nga lang, nawala ang kamalayan ko, kakatingin sa makulimlim na labas, daydreaming ba ang tawag dito, o ma-ala-ala mo kaya? Emosyon man o hindi, totoo na tinawag yung numero ng kinau-upuan ko, na mistulang sugal. Kung tama ang nasa memorya ko, walang nag vovolunteer sumagot kapag nagtatanong 'tong gurong 'to, ayaw nya rin pumili para hindi pwersahan ang mangyari, kaya naman bunutan ang kinalabasan.
Ang dating angulo ng ulo ko, ay sinimulan ko nang iharap sa Instructor.
"Sir!"
Tumayo ako bilang tugon sa pangyayari.
Matangkad, nakasalamin, at puting polo, tipikal na buhok para sa isang propesor, sa harap ng instructor na 'to, may nakaharang na lamesa abo't sa gitnang proporsyon ng katawan, pero hindi nakaka abala kase kailangan, sa gitna ng matigas na lamesang 'to na gawa sa kahoy, may maliit na kahon, na may saktong butas sa gitna, hindi ko alam kung anong mismong sukat ng butas dahil sa layo ng hiraya ko mula dito sa likod, pero hindi na yan importante dahil sa kamay ng instructor, galing sa kahon, siguradong No.29 ang nakasulat sa pirasong papel. Matatawag ko ba 'tong pwersahan sa pagtayo? o papel ng tadhana?

"Nakikinig ka ba?"
Base sa tono ng boses nya, wala sa sharp/Flat.

Kaya naman mahinahon rin akong nagsalita.
"Hindi sir."

Mahirap sumagot sa isang retorika na katanungan, kase hindi naman kailangan ng sagot ang ganitong klase ng tanong, halimbawa; -***** ka ba? -
Kaya naman ang pagsagot ko nang "Hindi" ay hindi makakaapekto sa mundo.
"Sige umupo ka na"

Naayon sa sitwasyon kaso akala ko ba no.29 ang tinawag na manalo?
"no.15"
Mula sa boses ng guro, na hawak-hawak ang pirasong papel na maaring yun ang inakala kong 29 pero 15 pala ang laman. Pero hindi na nakapagtataka, kase maaring paraan nya 'to para pabalikin ang atensyon ko papunta sa reyalidad.
Kaya naman nagsimula na kong umupo pagkatapos kong makatanggap ng tugon.
Habang semi-tahimik ang lahat sa klase. naiba ulit ang focus ng mga mata ko ng tumayo na ang lucky number.
Imbes na maakit ako sa lesson, sa iba napunta, para bang batubalani o magnet, dahil sa lakas ng pagflashback ng nakaraan nung makita ko ang kinikilos ng estudyanteng nasa no.15, Si Jeric.
"Importante ba sa buhay mo ang serye ng Fibonacci?"

Katanungan na galing sa naka-upong Instructor.

Ramdam ko na walang tiwala sa sarili ang taong 'to, pruweba na ang pagtingin nya sa paligid na mistulang humuhugot ng impormasyon para makasagot habang ngumiti-ngiti. Kung Ifafastforward mo ang frame, parang sumasayaw 'to sa kawalan, pero hindi naman eksatong kawalan dahil sinasabayan rin ng iba, naka-upo nga lang.

Lahat ng tao may kanya-kanyang Utak, mundo, perspective, angulo, pilosopiya o anumang terminolohiya patungkol dito, ang sarili nating isip ay mahahalintulad rin bilang isang gamit, kaso bakit ipinapahiram ng tao ang mahalagang bagay na 'to? dahil ba hindi nananakaw? o takot lang sila na baka magkaiba sila ng disenyo ng partikular na bagay na 'to?
Out-of-place ang nakikita kong panira sa bansang kinalalagyan ko ngayon, Isang epidemiyang lumalaganap na patuloy na kumakain sa lipunan ng mga estudyante, o iba pang sangay. Kung bakit? maaring matagal na nating alam na mapanghusga ang mundo, pero karamihan satin di pa natin ganung lubos nalalaman. Bibigyan kita ng ilan sa ebidensya, ang cellphone, kapag majority sa isang klase na may cellphone, malaki ang syansa na meron ka rin, dahil ayaw mong maiba sa lahat, pero bakit? kase dahil sa mga salitang pine-predict mo na sinsakit ng kutsilyo na itinanim sa ulo mo. Kaya naman, nagpatuloy lang ang mga kaganapan na 'to, na parang wala nang lunas, at lumala.
Kung san' ang karamihan, iniisip natin na dapat nandun rin tayo, walang papaiwan ika nga nila. Pero ang talon sa kasaysayan ko bilang tao, bakit ako nawalan ng desisyon at nagpupumilit humingi ng kasama? Dahil ba natatakot akong mag-isa? o baka ginagaya ko rin ang iba? Kung may barkada sila, dapat ganun rin ako, napakahangal! Ito ang nasasalamin ko galing kay Jeric, at naging ehemplo sa panibagong pananaw. Dahan-dahan, naiba na naman ang kamalayan ko, at umalis sa reyalidad muli. Ike-kwento ko sainyo kung bakit nakalaya na ko ngayon sa sumpa ng Out-of-place. Impluwensya at emosyon, Nagsimula 'to nun nung Itlog pa ko, High school, Nakatayo ako sa gitna ng balkonahe ng building, 2nd floor, at tumigil bandang mismo sa hawakan, na makikita mo ang lawak ng paaralan mula dito sa taas. Tuwing labasan ng klase, ako lang ang walang kausap, medyo magiging madrama 'tong kwento na 'to pero wala akong magagawa. Parang sinag ng araw ang kapaligiran dahil sa masasayang muka na pinapakita ng mga kaklase ko habang nagkekwentuhan tungkol sa kaabang-abang na mga storya tungkol sa sarili nila o sitwasyon. Habang nakatulala, at walang kausap, natural na hindi ko inoobserbahan kung anong personalidad meron sila at kung ano mismong itsura nila, kung may interesado ba na muka sa grupo o walang interes sa kwento ng isa, lahat ng 'to, isinawalang bahala ko dahil sa hiya. Pinipilit ko nalang ilayo ang sarili ko, kase naiiba ako sa lahat, mag-isa, malungkot, at umiiral na pakiramdam na umalis nalang mula dito sanhi sa presyon ng bomba na maaring sumabog anumang oras.
Hangad ko rin ng kausap, kase nalalanta na ko bilang tao, araw-araw kong iniinda lahat ng 'to, kung tinik sila ng araw, serye ng patak ng ulan ang kalungkutang nadarama ko. Araw-araw, puro bato, semento, damo, at kung anong meron sa daan ang frame na nakikita ko, hindi ko na kayang tumingin sa mga mata ng tao, kase naiiba ako, napadalas na rin ang pag absent at cutting class ko sa klase dahil nawawalan na ko ng pag-asa pang makahanap ng kaibigan, nilindol na kapaligiran ang nangyayari, hindi ko na alam ang ginagawa ko, sumasapi na rin sa katawan ko ang pagpapakamatay, at literal na ulan galing sa mga mata ko, napagtanto ko nalang na kahit kagustuhan kong magsalita, wala nang lumalabas na tunog galing sa lalamunan ko.

Lahat ng 'to ay purong nakaraan, pero ang nakapagtataka, yung dahilan kung pano' ako nakalaya nakalimutan ko, hindi ko na maalala.
Ganito rin ang nangyayari twing pinipilit kong dumukot ng mga papeles sa utak ko, biglang sumasara.

"Ok, so ganun lang yun class"
Ang taong nagsabi nito ay si sir.
At sinundan ng dismissed.

Ang nagbalik ng sense ko sa reyalidad ay ang ingay ng mga kaklase kong umuwi, mga iba't ibang plano pansirili at panggrupo. Hinihintay kong umalis ang lahat sa room at pumanitiling umupo, para mas malaya akong makalakad sa pinto ng walang traffic at aberya. Hanggang sa Unti-unti na silang nawala na para bang may malaking vacuum cleaner sa labas, hinihila sila ng pinto papunta sa malawak at mahanging kapaligiran sanhi sa makulimlim na ulap.
Pero may pumindot yata ng switch off, dalawang babae nakatayo sa gilid ng kinauupuan ko at nakatingin saken.
Dahil dito, gumanti ang mga mata kong tumingin sa dalawa na naaayon bilang tugon. 4 chairs ang agwat mula saken, Sa left, short-hair, tipikal na uniform sa babae, maroon at stripe na palda, at base sa lingwahe ng katawan, mahiyain, mapapansin mo rin ang pinagkaibahan ng height nilang magkasama, na mas matangkad 'tong long hair, kaaya-ayang tignan, malinis, pero kakaiba ang personalidad para sa babae.
"Bakit ka nag-iisa dyan?"

At nagsimula na nga sya ng pag-uusap.
"Wala akong rason para sagutin ka."

Maaring malamig ang pagkasabi ko, pero wala akong magagawa, kase totoo.
Anumang reaksyon ang ginawa nya, pinipilit na sya ng kasama nyang umalis. Paki-switch on na dali.
"Crush kita at responsibilidad mo ko"

Umikot sa buong classroom ang boses at tumigil ang pagdaloy ng elektrisidad ng utak ko, pero muling bumalik, napakagandang Counter-punch ng ginawa nya kaso masama rin, dahil maraming nakarinig, Isa na ang kasama nya, at Si sir, na nasa harapan na nagchecheck palang ng lesson plan, kaso mukang may sariling pananaw at stratehiya ang babaeng 'to base sa kalmado nyang muka, kaya naman, tinatanggap ko ang alok mong makipaglaro,

"Wala akong oras para sa mga ganitong bagay, pero kung interesado ka, kung bakit ako mag-isa, nagkakamali ka 'ron, base sa kapaligiran, apat na tao ang meron sa luob nitong classroom, ngayon, kung 1 parin ang tingin mo sa 4, problema mo na 'yun, dahil wala na sa responsibilidad kong turuan ka."

Alam kong 'di pa tapos ang lahat dito, pero sinimulan ko nang tumayo, pagsuot ng bag, at naglakad, from 29 28 27 26 25 Chair, at nilagpasan silang pareho. Pero bago ako tuluyang maka-alis. Teka... kung nasabi ko mang tumayo ako kanina at lumayo mula sa kinauupuan ko, nandito parin ako hanggang ngayon.
"Ok, so ganun lang yun class"
Ang taong nagsabi nito ay si sir.
At sinundan ng dismissed.
Ito ba yung sinasabi nilang Dejavu? pero ang kakaiba, bakit parang kaya kong kontrolin ang kaganapan mula ngayon patungo sa hinaharap. Habang nagtataka, unti-unting naglaho isa-isa ang mga kaklase ko sa harapan ko, para lumabas papunta sa pintuan. pero hindi na importante yan sa ngayon, dahil may kababalaghang nangyayari na hindi ko maipaliwanag.
Teka.
Medyo sumasakit na ang ulo ko sa pangyayari, dahil kahit anong kuha ko ng dokumento sa cabinet ng utak ko, nagpupumilit sumara.

"Bakit ka nag-iisa dyan?"

Dalawang babae, Short at long hair, at nakauniform, ang humila saken papunta sa reyalidad gamit ang tanong kung bakit ako nag-iisa.
Pero dahil sumasakit ang ulo ko ng bahagya, hindi ko na sila pinansin.
Itinaas ko ang kamay ko, para suportahan ang ulo kong nangingisay sa kuryente.
"Crush kita"
Umaalingawngaw.
"Crush kita"

Walang nagsabi nito, isa lamang delusyon.
Nagpaikot-ikot sa utak ko ang salitang yan, habang lumiliwanag ang tunog. Hanggang sa malaman ko na sa babae nagmula ang katagang 'to. Pero kahit malaman ko man, hindi na mahalaga dahil isa lamang produkto ng mahiwagang utak ko ang mga salitang 'to.

Medyo nakakabawi na ko mula sa sakit. Ngunit dahil masyado akong abala sa kakaisip, di ko na namalayang wala na palang tao sa classroom. Napansin ko rin sa tapat kong upuan na may susi at padlock sa lamesa nito.
Huminga ako ng malalim, at sinundan ng pagyapak paalis kasama ang hinubog na bakal, para mai-lock ang classroom.

Puno ng imahinasyon ang utak ko nitong nakaraang araw, na para bang sinusian ang creativity part ng isipan ko. másáráp sa pakiramdam kaso nanunuot talaga yung sakit twing may inaalala akong partikular na memorya, hindi ko alam kung ano 'to, pero kusa nalang nangyayari na para bang nanggaling na ko sa hinaharap ilang minuto lamang.
Nandito ako ngayon sa park.
Isabela park, agaw sa pansin ang monumento ng isang babae na halos nakahubad at dagdag pa rito sa paligid nya merong Iba't ibang uri ng mamamayanan na parang nakaupo at nagdurusang inaabot ang mga kamay nila mula sa babae. Pinaghalong red at brown ang kulay ng lahat pero hindi masyadong nakablend, makintab rin kung susumain, dahil puno ng tubig ang kapaligiran nito; Oo isang Fountain. Hindi ko alam ang nakatagong mensahe o ibig sabihin ng monumentong 'to, pero mahahalata mo na para bang diyos nila ang nakatayong babae. Pero di na mahalaga yan sa ngayon. Habang naglalakad sa de-tiles na sahig nitong park, na pinaligiran ng mga iba't ibang uri ng halaman, at disenyo, nagpatuloy akong ramdamin ang ganda ng kapaligiran, from tiles to bermuda grass, nag-iba ang sulok, makikita mo ang nag-sisilakihan na puno pero malayo ang agwat mula saken, dahil itinigil ko na ang pagyapak kung nasan man ako. Tipikal lang na park 'to kung susuriin.
Maya't maya, Iniba ko 'rin ang direksyon ng paningin ko.
Bandang gilid, may dalawang babae na naka-upo, Isang angulo lamang ang nasisilayan ko at gilid ng proporsyon ng katawan bandang kaliwa ang tanaw. Sulok na may nakahalayhay na mga upuan o bench ang nakatanim sa dalisdis ng mga damo. Makikita mo ang dalawang estudyante, kalmadong nag-uusap, pamilyar ang suot, sa tingin ko ISU rin nag-aaral. Nakapagtatakang may gana pa ang dalawang 'to tumambay sa park gayung papaulan na, pero 'di ko na rin sila masisisi kase kahit ako ramdam ko ang saya na mula sa kulimlim ng ulap dahil masyado ng babad ang bansang 'to sa impyerno ng sinag.
At Sinimulan ko nang maglakad, para maabot ang isang upuan pang lima o dulo, pero unahan base sa agwat ko.

Kung sisimulan kong magbilang sa kaliwa, nasa pang dalawang bench ang ISU students.
Unang lumabas sa utak ko, bakit may nagsabing crush kita galing sa memorya ko? bigla kong naalala ang partikular na bagay na 'to, nung nakita ko ng malapitan ang dalawang babae.
Crush? may magsabi man saken nito salamat. Maaring ignorante ako sa uri ng pananalitang 'to, pero sakaling pinalalim ko pa, magkakaroon lang ng emotional attachment na may posibilidad na ikapapahamak ko rin, at nakatatamad yun sakaling mangyari. Pero seryoso, wala sa rason ng pag-iral ko ang mga ganitong bagay, ngunit kapag may kapalit na ika-sa-saya ko, bakit hindi. Balik tayo sa reyalidad, silang dalawa yung babae kanina sa classroom na huling lumabas. Wala na kong papel para tignan sila, kaya naman Inilapat ko na ang mata ko sa ibang direksyon. Ang dahilan kung bakit umupo ako dito, dahil sinusulit ko ang kapaligiran bago mabasa ng malakas na ulan, na eksatong 4 mins and 23 seconds, magdedesisyon ng bumaba.
Teka.
Paano.
Pano' ko nalaman?
Lumawak ang balintataw ng mga mata ko dahil sa pagtataka na may halong gulat. At tinanong ko ang sarili ko, Bakit parang naulit ang pangyayari?
malamig na patak na dumapo mula sa braso ko, Isa, dalawa, dalawa, tatlo, lima, hanggang sa hindi na mabilang. Bumuhos ang ulan, at nagulantang ang dalawang babae na nagmadaling tumakbo para isalba ang sarili nila sa sitwasyon, pero ako? Hinayaan ko na, dahil may kababalaghang nangyayari at hulaan mo, ngayon ko lang napagtanto. Lumabas ang mga iba't ibang ideya mula sa utak ko na para bang pagguho ng yelo.
"Magagamit ko 'to."
Pabulong at nakangiti kong sinabi sa katahimikan kasalungat ng pag-iyak ng kaulapan.

- End -
Comment for the completion of Chapter 2
Support nyo nalang dito kung trip nyo.
You do not have permission to view the full content of this post. Log in or register now.
 
Status
Not open for further replies.

Similar threads

Back
Top