SIM REGISTRATION ACT, POSIBLENG IPATUPAD BAGO MATAPOS ANG 2022
Sa December 27 na posibleng maging epektibo ang pagpapatupad ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act kung saan magiging obligado na ang pagpaparehistro ng mga sim card.
Ayon kay Sen. Grace Poe, inaasahan nilang ilalabas ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas sa December 12.
Magkakaroon naman ng public hearing sa December 5 sa pagitan ng DICT at stakeholder upang pag-usapan ang IRR bago pa ito ilabas.
Matatandaan noong Oktubre 10, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang SIM Registration law na naglalayong masawata ang paglaganap ng text scam at matukoy ang mga nasa likod nito.