What's new

Trivia Pagbibigay Kung Pasko Isang Panahon ng Kagalakan o Panlulumo?

Gentleman007

Forum Expert
Elite
Joined
Sep 19, 2016
Posts
3,552
Reaction
7,213
Points
2,569
ANG sumusunod na liham na patungkol kay Santa Klaus ay karaniwan sa maraming liham na isinulat ng mga bata at ibinigay sa mga magulang at mga guro sa pangakong ang mga liham ay ipadadala sa koreo sa Polong Hilaga:

“Mahal kong Santa Klaus:

“Kumusta po kayo? Ako po ay mabuti naman. Sana po’y magkaroon kayo ng magandang Pasko. Sana po’y mayroon kayong maraming magagandang laruan sapagkat marami po akong gustong magagandang bagay. Una po, gusto ko pong magkaroon ng isang kapatid na lalaki. Sabi po ng aking itay na wala raw po kayong mga sanggol sa Polong Hilaga, kaya sa halip ay dalhan na lamang ninyo ako ng isang tuta. Gusto ko po ng isang shotgun, isang machine gun, isang mabilis na bisikleta at isang tape recorder. Oh, siyanga pala, Santa, ito na ang huling liham ko sa inyo yamang hindi na po ako maniniwala sa Santa Klaus sa susunod na taon. Ngunit naniniwala po ako sa Santa Klaus sa taóng ito.”

Nakikilala mo ba ang liham na ito? Pamilyar ba ito sa iyo? Katulad ba ito marahil ng isa na isinulat mo noong ikaw ay bata pa? Angaw-angaw na gayong mga liham ang tinatanggap taun-taon sa mga tanggapan ng koreo sa maraming bansa mula sa punô-ng-pag-asang mga bata at ipinatutungkol sa makaalamat na tagarasyon ng mga regalo na kanilang buong pagmamahal na nakikilala bilang “Santa Klaus.”

Bihira ang sumusulat ng salitang “pakisuyo” at lalo pang kaunti ang sumusulat ng “salamat po.” Ang iba ay makabagbag-damdamin, ang iba naman ay punô ng kasakiman. Mientras mas bata ang isa, mas kaunti ang hinihingi niya. Mientras tumatanda ang bata, mas maraming regalo ang kinakailangan upang masiyahan siya, sa gayo’y umaasa siya ng mas malaki at mas maraming regalo sa susunod na taon.

May mga laruan na idinisenyo para sa bawat yugto sa buhay ng bata. May mga laruan na nagtuturo, na sumusubok sa mga kasanayan, na umuugit sa mga kaisipan tungo sa karahasan. May mga laruan na matitibay at mayroon naman niyaong nagkakahiwa-hiwalay pagkaraan lamang ng mga ilang araw na gamit. May mga laruang ligtas at mga laruang napakapanganib anupa’t sinisikap ng mga opisyal na alisin ang mga ito sa pamilihan. May mga laruan na para bang kinasihan-demonyo sa disenyo—mga bola na may nakatatakot na mga mukha anupa’t ito’y maaaring pagmulan ng bangungot, gayunman ang mga ito ang pinakamabili noong nakaraang taon, sa kabila ng pagtutol ng mga magulang. Mahigit na dalawang buwan bago ang pangyayaring ito, ang mga bata ay naihanda na sa Pasko. Sa wari, ang kagalakan sa pagbibigay at pagtanggap ay nadarama na.

Ang Pagkahulog sa Panlulumo

Subalit sayang, sa loob lamang ng mga ilang araw ang tuwâ ay nawawala. Nakuha na ng bata ang lahat ng katuwaan at kasiyahan mula sa kaniyang mga regalo, ito man ay marami o kaunti. Ang katotohanan ay hindi nakatugon sa mga inaasahan. Dumarating ang pagkabagot. Ang ningning ng Pasko at lahat ng mga regalong tinanggap ay hindi siyang panlahat-na-lunas na inaasahan niya. Nagkukomento tungkol dito, ang sikologo sa bata na si Dr. Nancy Hayes ay nagsasabi na ang Kapaskuhan “ay isang panahon ng pinakamaraming panlulumo at pagpapatiwakal sa gitna ng mga bata.” Binanggit niya na maraming kabataan ang nanlulumo kapag hindi naibibigay ng Pasko ang “kahima-himalang solusyon sa mga problema.” Isip-isipin, din, ang kanila pang panlulumo sa pagkaalam na si Santa Klaus ay isa lamang alamat, na ginawa ng kanilang mga magulang ang lahat ng kanilang magagawa upang panatilihin ang isang kasinungalingan.

Kaya mula sa pagkasanggol ang mga bata ay tinuruan na humingi, sumulat, at umasa ng mga regalo sa Kapaskuhan—at hindi ito limitado sa mga bata. Ang pagkakaibigan sa gitna ng mga may sapat na gulang ay kung minsan sinusukat sa halaga ng mga ipinagpapalitang mga regalo. Kadalasan nang ang buklod ay nasisira sapagkat ang isang tao ay nagbigay ng isang regalo na mas mahal kaysa tinanggap niya. Marahil wala nang panahon pa sa taon kung kailan walang gaanong kabuluhan ang kasabihang “Mas mahalaga ang alaala.”

Ang mga credit card ay nasasagad. Ang mga tsekeng inilalabas mo ay nagpapangyari sa mga bangko na maglabas ng kuwartang higit kaysa depositong kuwarta. Mga mandarambong sa siksikang mga tindahan na nakikipaggitgitan sa mga mamimili ay nakakanerbiyos. Ang eksena ng nagkakalmutan, nagsusunggabang mga mamimili na literal na nag-aaway sa nauubos na baratilyong mga paninda ay maaaring magpaurong kahit na sa matatapang. Ang sumasakit na mga paa, pati na ang suliranin sa kung ano ang bibilhin, ay gumagawa sa seremonyang ito kung taglamig na isang nakaninerbiyos na karanasan. Apektado nito ang mga mamimili kung Pasko.

Sabi ng isang despatsador: “Nakikita mo ang mga tao na tatakbu-takbo, bumibili ng regalo para kung kani-kanino, at sila’y totoong nagmamaktol. Ang mga tao ay hindi nagbibigay ng regalo na may kagalakan.” Nakapagtataka ba, kung gayon, na tinawag ng isang klerigo ang Pasko na “ang taunang panahon ng panlulumo at nerbiyos”?

Ang nagpapasidhi pa sa kabiguan ay ang bagay na maraming regalo ang binili at ibinigay bilang isang obligasyon, kadalasang may masakim na mga motibo. Sabi ng isang propesor sa sosyolohiya: “Ang nagbibigay ay hindi lamang balisa sa paghula kung ano ang gusto ng isa na tatanggap, kundi nariyan din ang karagdagang pagkabalisa sa pagbibigay ng isang angkop na larawan ng kaniyang sarili.”

Ano ang pinakaabalang araw ng Kapaskuhan? Karaniwang ang araw na kasunod ng Pasko. Sa panahong iyon ang mga tindahan ay punúng-punô ng mga tao na tumanggap ng regalo na nagsasauli ng kanilang mga regalo, ang marami ay ipinagpapalit ito sa halagang salapi. Gayunman, kung sila’y binigyan ng salapi bilang isang regalo, ikagagalit nila ito at sasabihing ito’y isang bulgar na pagbibigay. Kaya, ang ganap na kabiguan, ang nerbiyos, pagod, nagmamaktol na mga pulutong, ang pagpili sa daan-daang piraso ng paninda, ang pag-iimpake, ang pagbabalot, ang pagtatali ng mga laso, lahat ng ito ay kadalasang walang kabuluhan. Napakaraming regalo ang tinanggap taglay ang napakaliit na pagpapahalaga!

Para sa marami, ang Pasko ay hindi ‘ang panahon upang magalak.’

Ang Pagbibigay ay Hindi Namimili ng Panahon

Ngunit anong laking kagalakan kapag ang mga pamilya ay nagsasama-sama at nasisiyahan sa pakikisama at pag-ibig ng isa’t isa! Ang pagdadala ng mga regalo, rin naman, ay maaaring maging isang panlabas na kapahayagan ng taos-pusong pag-ibig. Pinalakas-loob ni Jesus mismo ang mga Kristiyano na “ugaliin ang pagbibigay.” At sinong Kristiyano o di-Kristiyano ang hindi karaniwang sumisipi sa pananalita ni Jesus na, “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap”? (You do not have permission to view the full content of this post. Log in or register now.You do not have permission to view the full content of this post. Log in or register now.) Tunay, ang pagbibigay ay hindi namimili ng panahon. Subalit mayroon pang dahilan kung bakit ang pagbibigay kung Pasko ay kuwestiyunable.

Ang tunay na problema sa Pasko ay na ito ay nasasalig sa kasinungalingan. Ang kapaskuhan ay nagsasabing kumakatawan sa kapanganakan ni Jesus. Gayunman, paano maaaring mangyari ito gayong hindi sinasabi ng Bibliya ang petsa ng kaniyang kapanganakan? Sa katunayan, ang Pasko ay isinabay sa “kapanganakan” ng araw—isang ritwal sa pagsamba sa araw.

Sa kaniyang aklat na The Story of Christmas, si Michael Harrison ay sumulat: “Una sa lahat, dapat pansinin na, sa kabila ng mga pagsisikap ng di-mabilang na mga iskolar, hindi pa rin napatutunayan kung anong araw . . . isinilang si Kristo.” Nililinaw ng Bibliya ang petsa lamang ng kaniyang kamatayan, at ito lamang ang petsa na tanging ipinag-utos ni Jesus na ipagdiwang ng kaniyang mga alagad, ang mga tunay na Kristiyano. Nakapagtataka ba, kung gayon, na ang The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge ay nagsasabi ng ganito: “Walang makasaysayang katibayan na ang kapanganakan ng ating Panginoon ay ipinagdiwang noong panahong apostoliko o maaga noong panahon pagkamatay ng mga apostol”?

Ngayon makatuwirang isaalang-alang ang tanong na: Sasang-ayunan kaya ni Jesus ang isang pagdiriwang na nagsasabing nagpaparangal sa kaniya, gayunma’y babad na babad sa paganong mga seremonya at kaugalian? Palalampasin kaya niya ang masayang kapistahang ito kung kailan mas maraming mga pagpatay ang nagaganap kaysa anumang iba pang panahon, at kung kailan ang di-Kristiyanong mga paligsahan sa inuman at mahalay na pamumuhay ay isang tinatanggap na paraan ng pamumuhay? Ipahihintulot kaya niya ang isang panahon na kilala sa panlulumo, nerbiyos, at mga pagpapatiwakal nito? Sa tunay na mga Kristiyano ang kasagutan ay maliwanag.

Sa halip na magbukod ng isang tiyak na panahon sa loob ng isang taon para sa masayang pagbibigay sa iba, masusumpungan ng kaluluwang bukas-palad na ang pagbibigay na nagdudulot ng kaligayahan sa nagbibigay at kagalakan sa tumatanggap ay hindi namimili ng panahon. Ang pagbibigay natin ng ating panahon, ng ating lakas, ng ating awa; mga kaloob ng kabaitan at maalalahaning mga salita; at, oo, mga kaloob na materyal na kinakailangan—lahat ng gayong mga pagbibigay ay nagdudulot ng kagalakan at kaligayahan kapuwa sa nagbibigay at sa tumatanggap.
 

Similar threads

Back
Top