What's new

Kung Ano ang Ipinaliliwanag ng Big Bang Kung Ano ang Hindi

Gentleman007

Forum Expert
Elite
Joined
Sep 19, 2016
Posts
3,556
Reaction
7,216
Points
2,570
ANG bawat umaga ay isang himala. Sa loob mismo ng araw kung umaga, ang hidroheno ay humahalo sa helium sa temperatura na milyun-milyong digri. Ang mga X ray at mga gamma ray na may di-kapani-paniwalang lakas ay lumalabas buhat sa sentro ng araw tungo sa nakapaligid na mga suson ng araw. Kung ang araw ay naaaninag, ang mga sinag na ito ay sasabog sa pinakamukha ng araw sa loob ng ilang nakapapasong segundo. Sa halip, ang mga ito’y nagsisimulang tumalbog mula sa siksikan at magkakadikit na mga atomo ng “insulasyon” ng araw, unti-unting nagpapakawala ng enerhiya. Lumilipas ang mga araw, linggo, mga dantaon. Pagkalipas ng libu-libong taon, ang dating nakamamatay na radyasyong iyon sa wakas ay lumalabas mula sa ibabaw ng araw na gaya ng mahinhing ambon ng dilaw na liwanag—hindi na isang panganib kundi tamang-tama lamang upang punuin ang lupa ng init nito.

Ang bawat gabi ay isang himala rin. Ang ibang mga araw ay kumukutitap sa atin sa ibayo ng napakalawak na galaksi natin. Ang mga ito ay may sari-saring kulay, laki, temperatura, at kimpal. Ang ilan ay ubod ng laki anupat kung ang isa rito ay ilalagay sa lugar ng ating araw, ang ating planeta ay magiging nasa loob mismo ng napakalaking araw na iyon. Ang ibang araw ay maliliit, mga white dwarf—mas maliit kaysa ating lupa, gayunma’y kasimbigat ng ating araw. Ang ilan ay tahimik na patuloy na magpapaikut-ikot sa loob ng bilyun-bilyong taon. Ang iba naman ay nabibingit sa supernova na pagsabog na siyang nagwawasak sa mga ito, sandaling pinaniningning ang buong mga galaksi.

Binanggit pa nga ng mga tao noong unang panahon ang tungkol sa mga dambuhala sa dagat at naglalabang mga diyos, sa mga dragon at mga pagong at mga elepante, sa mga bulaklak na lotus at nangangarap na mga diyos. Nang maglaon, noong tinatawag na Panahon ng Katuwiran, ang mga diyos ay pinalitan ng isang bagong tuklas na “madyik” ng calculus at ng mga batas ni Newton. Ngayon tayo’y nabubuhay sa isang panahon na walang matandang tula at alamat. Pinili ng makabagong mga siyentipiko at mga awtoridad sa panahon ng atomika sa ngayon bilang kanilang halimbawa para sa paglalang, hindi ang sinaunang dambuhala sa dagat, hindi ang “makina” ni Newton, kundi ang nangingibabaw na sagisag ng ika-20 siglo—ang bomba. Ang kanilang “maylalang” ay isang pagsabog. Tinatawag nila ang kanilang kosmikong pagsabog na big bang.

Kung Ano ang “Ipinaliliwanag” ng Big Bang

Ang pinakapopular na bersiyon ng pangmalas ng salinlahing ito tungkol sa paglalang ay nagsasabing mga 15 hanggang 20 bilyong taon na ang nakalipas, ang sansinukob ay hindi umiiral, ni umiral man ang walang laman na kalawakan. Walang panahon, walang materya—wala kundi ang isang walang-katapusang pusikit na kalagayan, pagkaliit-liit na tuldok na tinatawag na isang singularity, na sumabog tungo sa kasalukuyang sansinukob. Kalakip sa pagsabog na iyon ang saglit na saglit na yugto na naganap sa unang katiting na bahagi ng isang segundo nang lumaki, o lumawak ang bagong silang na sansinukob, na mas mabilis kaysa bilis ng liwanag.

Noong unang ilang mga minuto ng big bang, nangyari ang nuklear na paghahalo na gayon na lamang ang lawak, na nagpangyari sa kasalukuyang dami ng hidroheno at helium at sa paano man ay bahagi ng lithium sa kalawakan sa pagitan ng mga bituin. Marahil pagkatapos ng 300,000 taon, ang sinlawak ng sansinukob na pagsabog ay lumamig nang kaunti sa temperatura ng ibabaw ng araw, pinangyayari ang mga elektron na manatili sa mga orbita sa palibot ng mga atomo at naglalabas ng mga kislap ng mga photon, o liwanag. Ang sinaunang kislap na iyon ay masusukat na ngayon, bagaman sa mas napakababang temperatura, bilang ang bakas ng radyasyon (background radiation) na nasa lahat ng dako sa mga frequency ng microwave na may temperatura na 2.7 Kelvin.You do not have permission to view the full content of this post. Log in or register now. Sa katunayan, ang pagkatuklas sa bakas ng radyasyong ito noong 1964-65 ang kumumbinsi sa karamihan ng mga siyentipiko na may katotohanan nga ang teoryang big bang. Ipinaliliwanag din ng teorya kung bakit ang sansinukob ay lumilitaw na lumalawak sa lahat ng direksiyon, na ang malalayong galaksi ay tila ba napakabilis na lumalayo sa atin at sa isa’t isa.

Yamang ang teoryang big bang ay tila ba maraming ipinaliliwanag, bakit mo pag-aalinlanganan ito? Sapagkat marami rin itong hindi ipinaliliwanag. Bilang paglalarawan: Ang sinaunang astronomong si Ptolemy ay may teorya na ang araw at ang mga planeta ay umiikot sa lupa sa malalaking bilog, gumagawa ng maliliit na bilog, na tinatawag na mga epicycle, na magkasabay. Waring ipinaliliwanag ng teorya ang kilos ng mga planeta. Sa nakalipas na mga dantaon habang ang mga astronomo ay nakatipon ng higit pang impormasyon, ang mga kosmologong naniniwala sa teorya ni Ptolemy ay laging makapagdaragdag ng ekstrang mga epicycle sa iba pa nilang mga epicycle at “magpaliwanag” ng bagong impormasyon. Subalit hindi iyan nangangahulugan na tama ang teorya. Sa katapusan ay napakarami nang impormasyon na ipaliliwanag, at ang iba pang mga teorya, gaya ng idea ni Copernicus na ang lupa ang lumilibot sa araw, ay nagpaliwanag sa mga bagay nang mas mainam at mas payak. Sa ngayon ay mahirap nang makasumpong ng isang astronomong naniniwala sa teorya ni Ptolemy!

Itinulad ni Propesor Fred Hoyle ang mga pagsisikap ng mga kosmologong maka-Ptolemy na muling nagtatatag ng kanilang bigong teorya habang nakakaharap ang bagong mga tuklas sa mga pagsisikap ng mga naniniwala sa big bang ngayon na panatilihing kapani-paniwala ang kanilang teorya. Ganito ang isinulat niya sa kaniyang aklat na The Intelligent Universe: “Ang pangunahing mga pagsisikap ng mga imbestigador ay ang pagkukubli ng mga pagsasalungatan sa teorya ng big bang, upang itayo ang isang idea na naging higit na masalimuot at mahirap.” Pagkatapos tukuyin ang walang-saysay na paggamit ng mga epicycle ni Ptolemy upang ipagtanggol ang kaniyang teorya, si Hoyle ay nagpatuloy: “Nakatitiyak ako sa pagsasabing bunga nito isang mahinang pantakip ang ngayo’y bibitin-bitin sa teorya ng big bang. Gaya ng nabanggit ko kanina, kapag nagbanggaan ang mga bagay na totoo at teorya, ipinakikita ng karanasan na ang teorya ay bihirang makabangon.”—Pahina 186.

Gayunding kaisipan ang binabanggit ng magasing New Scientist, ng Disyembre 22/29, 1990: “Ang pamamaraan ni Ptolemy ay labis-labis na ikinapit sa . . . pansansinukob na modelo ng big bang.” Saka ito nagtanong: “Paano natin makakamit ang tunay na pagsulong sa particle physics at kosmolohiya? . . . Kailangan tayong maging mas tapat at deretsahan tungkol sa pawang teorya lamang ng ilan sa ating lubhang pinahahalagahang pala-palagay.” Dumaragsa ngayon ang bagong mga obserbasyon.

Mga Tanong na Hindi Sinasagot ng Big Bang

Ang malaking hamon sa big bang ay dumating mula sa mga nagmamasid na gumagamit ng naiwastong mga lente ng Hubble Space Telescope upang sukatin ang layo sa ibang galaksi. Ang bagong impormasyon ay nagdudulot ng takot sa mga teorista!

Ginamit kamakailan ng astronomong si Wendy Freedman at ng iba pa ang Hubble Space Telescope upang sukatin ang layo ng isang galaksi sa konstelasyon ng Virgo, at ang kaniyang sukat ay nagpapahiwatig na ang sansinukob ay mas mabilis na lumalawak, at sa gayo’y mas bata, kaysa dating inaakala. Sa katunayan, ito’y “nagpapahiwatig na ang edad ng sansinukob ay kasimbata ng walong bilyong taon,” ulat ng magasing Scientific American noon lamang nakaraang Hunyo. Bagaman ang walong bilyong taon ay tila isang napakahabang panahon, ito ay halos kalahati lamang ng kasalukuyang tantiyang edad ng sansinukob. Ito’y lumilikha ng isang pantanging problema, yamang, gaya ng patuloy na binabanggit ng ulat na, “ipinahihiwatig ng iba pang impormasyon na ang ilang bituin ay di-kukulanging 14 na bilyong taóng gulang.” Kung totoo ang mga tantiya ni Freedman, ang mas matatandang bituing iyon ay lalabas na mas matanda pa kaysa sa big bang mismo!

Ang isa pang problema para sa big bang ay dumating mula sa dumaraming katibayan ng “mga bula” sa sansinukob na 100 milyong light-year ang laki, na may mga galaksi sa labas at walang laman sa loob. Natuklasan nina Margaret Geller, John Huchra, at ng iba pa sa Harvard-Smithsonian Center for Astrophysics ang tinatawag nilang isang malaking pader ng mga galaksi mga 500 milyong light-year ang haba sa gawing hilaga ng kalangitan. Isa pang grupo ng mga astronomo, na nakilala bilang ang Pitong Samurai, ay nakasumpong ng katibayan na isang kakaibang kosmikong kalipunan, na tinatawag nilang Great Attractor, na malapit sa gawing timog na mga konstelasyon ng Hydra at Centaurus. Ang mga astronomong sina Marc Postman at Tod Lauer ay naniniwala na mayroong mas malaki pa rito na nasa dako pa roon ng konstelasyon ng Orion, na nagpapangyari sa daan-daang galaksi, kasali na ang sa atin, na dumaloy sa direksiyong iyon na parang mga balsa sa animo’y “ilog sa kalawakan.”

Ang lahat ng mga galaksi at mga attractor na ito ay di-mawari. Ang mga kosmologo ay nagsasabi na ang pagsabog mula sa big bang ay totoong maayos at pare-pareho, ayon sa bakas ng radyasyon nito na sinasabing iniwan nito. Paano ngang ang gayong maayos na pasimula ay humantong sa gayong napakalaki at masalimuot na mga kayarian? “Ang bagong tuklas na mga pader ng galaksi at mga attractor ay nagpapasidhi sa hiwaga ng kung paanong ang gayong karaming kayarian ay nabuo sa loob ng 15-bilyong-taón na edad ng sansinukob,” sabi ng Scientific American—isang problema na lalo lamang lumalala habang binabawasan pa ni Freedman at ang iba pa ang tantiyang edad ng sansinukob.

“Mayroon Tayong Nakaliligtaang Ilang Mahalagang Elemento”

Ang tatlong-dimensiyonal na mga mapa ni Geller ng libu-libong nagkumpulan, sala-salabid, at parang bulang pagsasama-sama ng mga galaksi ang nagpabago sa paraan ng paglalarawan ng mga siyentipiko sa sansinukob. Hindi siya nagpapanggap na nauunawaan niya ang nakikita niya. Ang grabidad lamang ay tila ba hindi makapagpaliwanag sa kaniya tungkol sa malaking pader ng mga galaksi. “Madalas kong madama na mayroon tayong nakaliligtaang ilang mahalagang elemento sa ating mga pagsisikap na maunawaan ang kayariang ito,” aniya.

Ipinaliwanag pa nang husto ni Geller ang kaniyang mga pag-aalinlangan: “Maliwanag na hindi natin nalalaman kung paano bibigyan ng kahulugan ang malaking kayarian ng kalagayan ng Big Bang.” Ang mga pagpapakahulugan sa kosmikong kayarian batay sa kasalukuyang paggawa ng mapa sa kalangitan ay malayung-malayo sa sukdulang pagkaeksakto—wari bang sinisikap nitong ilarawan ang buong daigdig mula sa isang surbey sa Rhode Island, E.U.A. Ganito pa ang sabi ni Geller: “Balang araw ay masusumpungan natin na hindi pala natin napagsama-sama nang wasto ang mga piraso, at nang nagawa natin ito, para bang napakaliwanag na tayo’y magtatanong kung bakit hindi natin naisip ito agad.”

Iyan ay umaakay sa pinakamalaking tanong sa lahat: Ano sa palagay mo ang nagpangyari sa big bang mismo? Katulad din ng may awtoridad na si Andrei Linde, isa sa pinagmulan ng napakapopular na inflationary version (isang bagong teorya tungkol sa pagkabuo ng sansinukob) na humahamon sa teoryang big bang, ay tahasang umaamin na hindi sinasagot ng dati nang teorya ang mahalagang tanong na ito. “Ang una, at pangunahing, problema ay ang pag-iral mismo ng big bang,” sabi niya. “Ang isa ay maaaring magtanong, Ano ang nauna rito? Kung ang kalawakan-panahon ay hindi umiral noon, paano maaaring lumitaw ang lahat ng bagay mula sa wala? . . . Ang pagpapaliwanag sa pasimulang ito ng singularity—saan at kailan ito nagsimulang lahat—ay nananatili pa ring ang pinakamahirap na problema ng makabagong kosmolohiya.”

Isang artikulo sa magasing Discover kamakailan ay naghinuha na “walang makatuwirang kosmologo ang magsasabing ang Big Bang ang ultimong teorya.”

Halina’t lumabas tayo at pagmasdan ang kagandahan at hiwaga ng mabituing bubungan.

[Talababa]

You do not have permission to view the full content of this post. Log in or register now. Ang kelvin ay yunit ng temperatura na ang antas ay katulad ng antas sa grado ng temperatura na Celsius, bukod sa bagay na ang gradong Kelvin ay nagsisimula sa absolute zero, iyan ay 0 K.—ang katumbas ng -273.16 digri Celcius. Ang tubig ay nagyeyelo sa 273.16 K. at kumukulo sa 373.16 K.


Ang “Light-Year”—Isang Kosmikong Panukat

Ang sansinukob ay napakalaki anupat ang pagsukat dito sa milya o kilometro ay tulad ng pagsukat sa distansiya mula sa London hanggang sa Tokyo sa pamamagitan ng isang mikrometro. Ang mas kombinyenteng yunit ng panukat ay ang light-year, ang distansiyang nilalakbay ng liwanag sa loob ng isang taon, o mga 9,460,000,000,000 kilometro. Yamang ang liwanag ang pinakamabilis na bagay sa sansinukob at nangangailangan lamang ng 1.3 segundo upang maglakbay patungong buwan at halos 8 minuto lamang patungo sa araw, ang isang light-year ay tunay ngang pagkalaki-laki!
 
lol hanggang ngayon "pagsabog" pa din ang interpretation nila sa big bang at kinwistiyon pa ang big bang mismo, hindi nga maka interpret ng maayos ipa-falsify pa ang big bang haha
 

Similar threads

Back
Top