What's new

Trivia Dapat Bang Makibahagi ang mga Kristiyano sa mga Kapistahan ng Bagong Taon?

Gentleman007

Elite
Joined
Sep 19, 2016
Posts
3,098
Reaction
5,475
“DI-KARANIWANG tahimik ang hapon bago ng Bisperas ng Bagong Taon,” ang sabi ni Fernando, isang doktor sa Brazil. “Pagkatapos, pagsapit nang mga alas-11 ng gabi, magsisidating na sila—sunud-sunod na mga pasyenteng sinaksak o binaril, mga tin-edyer na napinsala sa mga aksidente sa sasakyan, at mga asawang babaing binugbog. Halos laging inuming de-alkohol ang sanhi.”

Sa pagsasaalang-alang sa itaas, hindi kataka-taka na tinukoy ng isang babasahin sa Brazil ang unang araw ng taon bilang ang internasyonal na araw ng hangover. Isang ahensiya sa pagbabalita sa Europa ang nagsabi na ang “Bagong Taon ay para sa karaniwang tagapagtaguyod ng kaluguran,” at idinagdag pa na ito’y “isa pang kaganapan ng walang-hanggang pakikipagbaka ng tao laban sa alkohol.”

Sabihin pa, hindi lahat ay nagdiriwang ng Bagong Taon sa pamamagitan ng labis na pag-inom at paggawa ng karahasan. Sa katunayan, marami ang may magigiliw na alaala sa okasyon. “Bilang mga bata, nananabik kaming dumating ang Bisperas ng Bagong Taon,” sabi ni Fernando, na sinipi kanina. “Palaging sagana ang mga laro, pagkain, at inumin. Pagsapit nang hatinggabi ay nagyayakapan kami, naghahalikan, at nagbabatian sa isa’t isa ng ‘Maligayang Bagong Taon!’”

Sa katulad na paraan, marami sa ngayon ang nakadarama na sila ay nakikibahagi sa mga kapistahan ng Bagong Taon nang hindi naman lumalabis. Gayunman, dapat na suriin ng mga Kristiyano ang pinagmulan at kahulugan ng popular na selebrasyong ito. Sumasalungat ba ang mga kapistahan ng Bagong Taon sa mga turo ng Bibliya?

Mga Katotohanan Mula sa Nakaraan

Hindi na bago ang mga kapistahan ng Bagong Taon. Ipinakikita ng mga sinaunang inskripsiyon na idinaraos ang mga ito sa Babilonya noon pang ikatlong milenyo B.C.E. Ang selebrasyon, na ipinagdiriwang sa kalagitnaan ng Marso, ay kapansin-pansin. “Sa panahong iyon, pinagpapasiyahan ng diyos na si Marduk ang kapalaran ng bansa para sa darating na taon,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Ang Babilonikong selebrasyon ng bagong taon ay nagtatagal ng 11 araw at kalakip dito ang mga hain, prusisyon, at ritwal sa pagkapalaanakin.

Sa loob ng sandaling panahon, pinasimulan din ng mga Romano ang kanilang taon sa buwan ng Marso. Ngunit noong 46 B.C.E., itinalaga ni Emperador Julius Caesar na dapat itong magpasimula sa unang araw ng Enero. Ang araw na iyon ay nakaalay na kay Janus, ang diyos ng mga pasimula, at ito na rin ngayon ang magiging unang araw ng Romanong taon. Nabago ang petsa, ngunit ang espiritu ng kapistahan ay nanatili. Sinabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong na sa unang araw ng Enero, ang mga tao ay “napadadala sa walang-taros na kalabisan, at sa iba’t ibang uri ng relihiyosong pamahiin.”

Kahit ngayon, ang mga mapamahiing ritwal ay may ginagampanang bahagi sa mga kapistahan ng Bagong Taon. Halimbawa, sa ilang lugar sa Timog Amerika, malugod na tinatanggap ng marami ang Bagong Taon habang nakatayo sa kanilang kanang paa. Ang iba ay nagpapatunog ng mga torotot at nagpapaputok. Ayon sa isang kaugalian sa Czechoslovakia, ang Bisperas ng Bagong Taon ay isang panahon ng pagkain ng sopas na lentehas, samantalang ang tradisyong Slovak naman ay nagpapakilos sa mga tao na maglagay ng pera o mga kaliskis ng isda sa ilalim ng mantel ng mesa. Pinananatili lamang ng gayong mga ritwal, na dinisenyo upang ilayo ang kamalasan at garantiyahan ang kasaganaan, ang sinaunang paniniwala na ang pasimula ng taon ay isang panahon upang pagpasiyahan ang mga kapalaran.

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pinaaalalahanan ng Bibliya ang mga Kristiyano na “lumakad . . . nang disente, hindi sa mga walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan.”* (Roma 13:12-14; Galacia 5:19-21; 1 Pedro 4:3) Yamang ang mga kapistahan ng Bagong Taon ay madalas na kakikitaan ng mismong mga kalabisan na hinahatulan ng Bibliya, hindi nakikibahagi ang mga Kristiyano sa mga ito. Hindi ito nangangahulugan na hindi sumasang-ayon ang mga Kristiyano sa pagsasaya. Sa kabaligtaran, alam nila na paulit-ulit na sinasabi ng Bibliya sa mga mananamba ng tunay na Diyos na sila ay magsaya—at sa maraming kadahilanan. (Deuteronomio 26:10, 11; Awit 32:11; Kawikaan 5:15-19; Eclesiastes 3:22; 11:9) Kinikilala rin ng Bibliya na ang pagkain at pag-inom ay madalas na may kalakip na pagsasaya.—Awit 104:15; Eclesiastes 9:7a.

Gayunman, gaya ng nakita natin, nakaugat ang mga pagdiriwang ng Bagong Taon sa mga paganong kaugalian. Di-malinis at karima-rimarim ang huwad na pagsamba sa paningin ng Diyos na Jehova, at itinatakwil ng mga Kristiyano ang mga gawaing may gayong mga pinagmulan. (Deuteronomio 18:9-12; Ezekiel 22:3, 4) Sumulat si apostol Pablo: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? Karagdagan pa, anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial?” Kaya may mabuting dahilan na idinagdag ni Pablo: “Tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.”—2 Corinto 6:14-17a.

Natatanto rin ng mga Kristiyano na ang pakikibahagi sa mga mapamahiing ritwal ay hindi gumagarantiya ng kaligayahan at kasaganaan—lalo na yamang ang pakikibahagi sa gayong mga kapistahan ay nagdudulot ng di-pagsang-ayon ng Diyos. (Eclesiastes 9:11; Isaias 65:11, 12) Karagdagan pa, pinaaalalahanan ng Bibliya ang mga Kristiyano na maging katamtaman at magkaroon ng pagpipigil sa sarili pagdating sa kanilang paggawi. (1 Timoteo 3:2, 11) Maliwanag, hindi magiging angkop para sa isang nag-aangking sumusunod sa mga turo ni Kristo na makibahagi sa isang selebrasyon na kakikitaan ng walang-taros na kalabisan.

Gaano man kaakit-akit at kawili-wili sa mga pandamdam ang mga kapistahan ng Bagong Taon, sinasabi sa atin ng Bibliya na “tigilan na [natin] ang paghipo sa maruming bagay” at na “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” Para sa mga sumusunod, ipinaaabot ni Jehova ang nakapagpapasiglang garantiya: “Tatanggapin ko kayo. . . . Ako ay magiging isang ama sa inyo, at kayo ay magiging mga anak na lalaki at mga anak na babae sa akin.” (2 Corinto 6:17b–7:1) Tunay nga, ipinangangako niya ang walang-hanggang mga pagpapala at kasaganaan sa mga matapat sa kaniya.—Awit 37:18, 28; Apocalipsis 21:3, 4, 7.

[Talababa]

Maaaring kasama sa tinukoy ni Pablo na “walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan” ang mga nagaganap sa mga kapistahan ng Bagong Taon, yamang popular ang mga ito sa Roma noong unang siglo.
 
Top