What's new

Daily Bread (March 1 2022)

Pamintangdurog04

Forum Veteran
Elite
Joined
Sep 25, 2019
Posts
1,455
Reaction
590
Points
922
"Nagkasala ang Tao"
(Genesis 3:1-13)
1 Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
2 Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, 3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.”
4 Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! 5 Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.”
6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y másáráp ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. 7 Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hùbád, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.
8 Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno. 9 Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?”
10 “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hùbád,” sagot ng lalaki.
11 Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hùbád ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
12 “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
13 “Bakit mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae.
"Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito.
Muli po tayong magnilay ng mga Salita ng Dios mga kapatd.
ANO BA ang orihinal na plano ng Dios sa tao noong hindi pa nahuhulog sa bitag ng diablo sina Adan at Eba? . Ang orihinal na disenyo ng Diyos sa Kanyang mga nilikha kabilang ang sangkatauhan ay upang maranasan nila ang kasaganaan, kapayapaan at kasiyahan ngunit ang disenyong ito ay nasira ng pumasok ang kasalanan sa mundo. Ang mga pahayag ng pagpapala ay isang kahilingan sa Diyos para papanumbalikin ang Kanyang pabor o isang deklarasyon ng Kanyang likas na kagandahang loob. Ang pinakadakilang pagpapala na ibinibigay ng Diyos sa tao ay ang bagong buhay at kapatawaran sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang Anak na si Jesu Cristo. Ang mga materyal na pagpapala na ating tinatamasa sa araw-araw ay panandalian lamang, ngunit ang mga espiritwal na pagpapala na ating nakamtan kay Cristo ay hindi malilimitahan ng panahon at pang walang hanggan. Gaya ng sinabi ng Mangaawit,
(AWIT 146:5) "Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob; sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos".
Pagpalain po tayo ng Dios ngayon at magpakaylanman sa Pangalan ng ating Panginoong Hesus. Amen.

Pastor Ombie Lontoc
 
Back
Top