What's new

Closed Bakit Ako Hinahayaan ng Diyos na Magdusa?

Status
Not open for further replies.

Gentleman007

Forum Expert
Elite
Joined
Sep 19, 2016
Posts
3,552
Reaction
7,215
Points
2,569
ANG tatay ni Ian ay lasenggo. Bagaman maalwan ang buhay, kapos naman si Ian sa pagmamahal at suporta ng kaniyang ama. “Hindi ko siya minahal, siguro dahil na rin sa kaniyang paglalasing at pagtrato kay Inay,” ang sabi ni Ian. Nang magkaedad siya, sinimulan niyang kuwestiyunin ang pag-iral ng Diyos. “‘Kung talagang may Diyos,’ ang sabi ko, ‘bakit niya hinahayaang magdusa at mamatay ang mga tao?’”

Bakit ito itinatanong?
Kahit wala kang gaanong problema sa buhay, maaaring maapektuhan ka pa rin kapag nakikita mong nagdurusa ang inosenteng mga tao. Pero lalong nagiging mahalaga sa iyo ang tanong tungkol sa pagdurusa kung, tulad ni Ian, dumaranas ka rin ng pagdurusa o isang mahal mo sa buhay ang may sakit o namatay.

Ano ang sinasabi ng ilan?
Naniniwala ang ilan na pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa para subukin tayo at turuang maging mapagpakumbaba at maawain. Iniisip naman ng iba na nagdurusa ang mga tao dahil sa mga kasalanan nila sa nakaraan nilang buhay.

Ano ang ipinahihiwatig niyan?
Walang pakialam ang Diyos sa pagdurusa ng mga tao kaya mahirap siyang mahalin. Malupit ang Diyos.

Ano ang itinuturo ng Bibliya?
Malinaw na sinasabi ng Bibliya na hindi ang Diyos ang dapat sisihin sa pagdurusa ng mga tao. “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Ang totoo, ang ideya na ang Diyos ang dapat sisihin sa pagdurusa ay malayung-malayo sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga katangian ng Diyos. Paano?

Ang isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos ay ang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Para maidiin iyan, ang Diyos ay inilarawan ng Bibliya na may damdaming tulad ng sa isang nagpapasusong ina. “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan?” ang tanong ng Diyos. “Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” (Isaias 49:15) Sasaktan ba ng isang mapagmahal na ina ang kaniyang sanggol? Siyempre hindi. Sa halip, sisikaping ibsan ng mapagmahal na magulang ang pagdurusa ng kaniyang anak. Sa katulad na paraan, hindi Diyos ang nagdudulot ng pagdurusa sa inosenteng mga tao.—Genesis 18:25.

Gayunman, nagdurusa pa rin ang inosenteng mga tao. Baka maitanong mo, ‘Kung ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin at makapangyarihan-sa-lahat, bakit hindi niya inaalis ang lahat ng dahilan ng pagdurusa?’

May mabubuting dahilan ang Diyos kung bakit niya hinahayaan sa ngayon ang pagdurusa. Isaalang-alang ang isang ito: Kadalasan nang ang mga tao ang nagdudulot ng pagdurusa sa iba. Maraming masasama at mapang-api ang ayaw magbago. Kaya para maalis ng Diyos ang isang pangunahing sanhi ng pagdurusa, kailangan niyang lipulin ang gayong mga tao.

Para ipaliwanag kung bakit hindi pa nililipol ng Diyos ang mga gumagawa ng masama, isinulat ni apostol Pedro: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Ang pagkamatiisin ng Diyos na Jehova ay nagpapakitang maibigin siya at maawain.

Pero malapit nang kumilos ang Diyos na Jehova. ‘Gagantihan niya ng kapighatian ang mga pumipighati’ sa mga inosente. Ang mga nagdudulot ng pagdurusa sa iba ay “daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:6-9.


Ano ang Sinabi ni Jesus Tungkol sa Pagdurusa?
Hindi sinisi ni Jesus ang Diyos sa mga pagdurusang nakikita niya. Sa halip, ito ang mga ginawa niya.

Ipinakita ni Jesus na hindi pinarurusahan ng Diyos ang inosenteng mga tao sa pamamagitan ng pagdudulot sa kanila ng pagdurusa. Pinagaling ni Jesus ang mga maysakit, pilay, at bulag. (Mateo 15:30) Ang mga himalang ginawa niya ay nagtuturo sa atin ng dalawang mahahalagang katotohanan: Una, ginamit ni Jesus ang kapangyarihan ng Diyos para maibsan ang pagdurusa, hindi para magdulot nito. Ikalawa, hindi lang siya basta nagpagaling. Nang makita niya ang pagdurusa ng mga tao, ‘nahabag’ siya sa kanila. (Mateo 20:29-34) Lubusang naipakita ni Jesus ang damdamin ng kaniyang Ama hinggil sa pagdurusa. Kaya sa pananalita at pagkilos ni Jesus, nalaman nating nalulungkot ang Diyos sa nakikita Niyang pagdurusa at gusto Niyang ibsan ito.—Juan 14:7, 9.

Tinukoy ni Jesus kung sino talaga ang nasa likod ng pagdurusa ng mga tao—si Satanas na Diyablo. “Ang isang iyon,” ang sabi ni Jesus, “ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula.” (Juan 8:44) Tinukoy rin ni Jesus si Satanas na Diyablo bilang “ang tagapamahala ng sanlibutang ito” at bilang ang isa na “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.”—Juan 12:31; Apocalipsis 12:9.

Binigyan tayo ni Jesus ng pag-asang darating ang panahon na mawawala na ang pagdurusa. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, . . . dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos, mawawala na ang pagdurusa sa lupa, kung paanong walang pagdurusa sa langit.

Sa pagsisiwalat na ibinigay ni Jesus kay apostol Juan, inilarawan niya kung ano ang magiging kalagayan ng buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Sa panahong iyon, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 1:1; 21:3, 4.
 
Status
Not open for further replies.

Similar threads

Back
Top