What's new

[Artikulo] Kaya ba ng Tao na Magbigay ng Magandang Kinabukasan?

Cerebellum

Eternal Poster
Joined
Oct 31, 2021
Posts
1,183
Reaction
532
Points
423

Kaya ba ng Tao na Magbigay ng Magandang Kinabukasan?

Kalilipat mo lamang sa inaakala mong matibay, maganda, at bagong bahay na gawa sa laryo o brick. Matagal mo na itong pinangarap. Waring magiging maganda ang buhay mo rito! Pero sa loob lamang ng ilang taon, nagkaroon ng malulubhang depekto ang istraktura ng bahay hanggang sa punto na dapat na itong gibain. Lungkot na lungkot ka. Pero hindi ka nag-iisa. Ganiyan din ang nangyari sa ibang mga bahay sa inyong lugar. Nakita sa imbestigasyon na may problema sa disenyo ng bahay, at depektibong mga laryo ang ginamit sa pagtatayo.

GAYA ng bahay na iyon, napapaharap sa matitinding problema ang daigdig. Sa kabila ng iba’t ibang eksperimento sa lipunan at pulitika, gayundin ang kahanga-hangang pagsulong ng siyensiya at teknolohiya, tila gumuguho ang mismong istraktura ng lipunan. Sa maraming lupain, karaniwan na ang paglabag sa batas at ang anarkiya. Darating kaya ang panahon na wala nang mapagpipilian ang tao kundi lutasin ang mga problemang ito at sa gayo’y makapagtatag ng isang mahusay na pamahalaan? Isaalang-alang ang sinabi ng ilang awtoridad hinggil sa rekord ng tao.

“Sinubukan Na Natin ang Lahat”

Dahil sa pagsisikap na maging mas maganda ang ating daigdig, ang mga intelektuwal gaya ng Griegong pilosopo na si Plato at ang Alemang pilosopo sa pulitika at sosyalista na si Karl Marx ay nagpanukala ng ilang paraan ng pamamahala. Ano ang mga resulta? Sinabi ng isang artikulo sa babasahing New Statesman: “Hindi natin napawi ang karalitaan ni nakalikha man tayo ng mapayapang daigdig. Sa katunayan, kabaligtaran ang nagawa natin. Hindi naman sa hindi tayo nagsikap. Sinubukan na natin ang lahat mula sa komunismo hanggang sa kapitalismo; mula sa pagtatatag ng Liga ng mga Bansa hanggang sa paggawa ng mga nuklear na armas bilang panakot sa ibang bansa. Napakarami na nating ipinakipaglabang ‘digmaang tatapos sa lahat ng digmaan’ anupat inaakalang alam na natin kung paano wawakasan ang mga digmaan, hanggang sa ang ating mga lunsod ay nagmistulang mga lugar ng giyera.” Nagpatuloy ang artikulo: “Noong magpasimula ang [ika-20] siglo, tiwalang-tiwala tayong sasagipin tayo ng mga siyentipiko subalit nang dakong huli, hindi na natin pinaniniwalaan ang kahit isa mang salita nila.”

Noong 2001, si Eric Hobsbawm, isang retiradong propesor ng kasaysayan ng ekonomiya at lipunan sa London University, ay sumulat na ang mga pulitikal na sistema ng sangkatauhan ay “napapaharap sa panahon kung kailan nagkaroon ng matinding epekto sa lupa at kalikasan ang mga ginawa ng tao.” Ang solusyon sa mga problemang ito ay “humihiling ng mga hakbang na malamang na hindi susuportahan ng mga botante o ng mga mamimili. Hindi maganda ang ipinahihiwatig nito hinggil sa kinabukasan ng demokrasya o ng buong globo.”

Palibhasa’y nakikitang kapaha-pahamak ang magiging kinabukasan ng sangkatauhan, ganito ang tanong ng kilalang astropisiko at manunulat na si Stephen Hawking: “Sa isang daigdig na puno ng kaguluhan at problema sa pulitika, lipunan, at kapaligiran, mabubuhay pa kaya ang tao sa susunod na 100 taon?”

Bakit Bigo ang Tao?

Ang Bibliya lamang ang nakapagbibigay ng kasiya-siyang paliwanag kung bakit bigung-bigo ang tao na pamahalaan ang kaniyang sarili. Halimbawa, sinasabi nito sa atin kung ano ang tunay na kalagayan at kakayahan ng tao. Isaalang-alang ang sumusunod na apat na pangunahing katotohanang binanggit ng Bibliya.

Lahat tayo’y di-sakdal. “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kung paanong maaaring humina at bumagsak ang isang gusali dahil sa depektibong mga laryo, ang minanang di-kasakdalan ng tao ang nagpapahina naman sa lipunan. Kasama na rito ang tendensiyang mandaya, umabuso sa kapangyarihan, at maging tiwali at sakim. Matagal nang ganito ang kalagayan ng tao. Mga tatlong libong taon na ang nakalilipas, sinabi ng isang matalinong manunulat ng Bibliya: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.

Alam ng mga pinuno ng gobyerno at ng mga hukuman ang ating di-kasakdalan at kahinaan kung kaya sinisikap nilang maituwid ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas. Pero alam na alam nilang hindi nila kayang gumawa ng mga batas na magpapakilos sa mga tao na ibigin ang kanilang kapuwa o maging masunurin sa batas.

Lahat tayo’y namamatay. “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas. Ang kaniyang espiritu [o puwersa ng buhay] ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Sinabi ng hari ng sinaunang Israel na si Solomon, isa sa itinuturing na pinakamatalinong hari sa kasaysayan ng tao, kung paano maaaring mawalan ng kabuluhan ang kaniyang pagpapagal. Sumulat siya: “Ako nga ay napoot sa lahat ng aking pagpapagal na pinagpapagalan ko sa ilalim ng araw, na iiwanan ko para sa tao na magiging kasunod ko. At sino ang nakaaalam kung siya ay magiging marunong o mangmang? Gayunma’y pamamahalaan niya ang lahat ng aking pagpapagal na pinagpagalan ko . . . Ito rin ay walang kabuluhan.”—Eclesiastes 2:18, 19.

Hindi natin kayang pamahalaan ang ating sarili. “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Kahit pa ipagpalagay na sakdal tayo, itinuturo ng Bibliya na simula’t sapol, hindi tayo pinagkalooban ng Diyos ng karapatan ni ng kakayahan na mabisang pamahalaan ang ating sarili. Halimbawa, bakit may tendensiya ang mga tao na mairita kapag may ibang tao o grupo ng mga tao na nagdidikta kung ano ang dapat nilang gawin o kaya’y nagtatakda kung anong mga pamantayan sa moral o kagandahang-asal ang dapat nilang sundin? Kasi nang lalangin tayo ng Diyos, nilayon niya na humingi tayo ng patnubay, hindi sa ating kapuwa kundi sa Kaniya, ang isa na nakatataas sa atin.—Isaias 33:22; Gawa 4:19; 5:29.

Naiimpluwensiyahan ang mga tao ng isang di-nakikitang tagapamahala. “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot”—si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Kung ang pinuno ng isang kompanya ay talagang tiwali—at walang sinuman ang may awtoridad na magtuwid o makapagpaalis sa kaniya—ano ang magagawa ng isang pangkaraniwang empleado? Kaunti lamang, kung mayroon man. Ganiyan din may kaugnayan sa pagtutuwid sa mga problemang idinudulot ng di-nakikitang mga tagapamahala ng daigdig na ito—ang masasamang espiritung nilalang sa pangunguna ni Satanas. Inilalarawan ng Bibliya ang mga tagapamahalang iyon bilang “mga pamahalaan,” “mga awtoridad,” “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito,” at “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.”—Efeso 6:12.

Subalit hindi lamang ibinubunyag ng Bibliya ang mga pagkukulang ng tao at ang di-nakikitang mga tagapamahala ng daigdig na ito. Sinasabi rin nito sa atin ang magandang balita na may tiyak na solusyon sa lahat ng ating problema at sa gayo’y nagbibigay sa atin ng mapananaligang pag-asa.

Ililigtas Tayo ng Ating Maylalang!

Hindi natin kailanman kayang lutasin ang ating mga problema sa ganang sarili lamang natin. Maging ang pinakamatalino, pinakamakapangyarihan, o pinakamayamang tao ay walang magagawa upang baguhin ang kahit isa sa mga katotohanang nabanggit sa artikulong ito. Pero gaya ng ipaliliwanag sa susunod na artikulo, hindi tayo nalimutan ni pinabayaan man ng ating Maylalang. Sa katunayan, bilang ang karapat-dapat na Soberano ng lupa, aalisin niya ang lahat ng balakid na nakahahadlang sa ating kaligayahan. (1 Juan 4:8) Bukod diyan, napakalapit na niyang gawin ito. Paano natin ito nalaman?

Gaya ng ipinaliwanag ng isyu ng magasing ito nitong nakaraang buwan, malinaw na malinaw mula sa mga pangyayari sa daigdig at sa kalagayan ng lipunan na tayo’y nabubuhay na sa huling bahagi ng “mga huling araw” ng kasalukuyang sanlibutang ito. (2 Timoteo 3:1; Mateo 24:3-7) Ang wakas ay hindi magaganap sa isang nuklear na pagsabog o sa pagbangga ng isang asteroid sa lupa o kaya naman ay sa ibang paraan kung saan malilipol kapuwa ang mabuti at masama. Sa halip, ang Diyos ang kikilos at ang masama lamang ang kaniyang lilipulin, kasama na rito yaong mga patuloy na nagtataguyod ng pamamahala ng tao. (Awit 37:10; 2 Pedro 3:7) Kasabay nito, wawakasan ng Diyos ang lahat ng pagdurusa na idinulot ng mga sumalansang sa kaniya.—2 Tesalonica 1:6-9.

Pagkatapos nito, lulutasin ng Maylalang ang mga problemang laganap sa kasalukuyang mga gobyerno. Bibigyan niya ng ganap na awtoridad ang “kaharian ng Diyos” upang mamahala sa buong lupa. (Lucas 4:43) Gaya ng malalaman natin, ang pandaigdig na pamahalaang ito ay nagbibigay sa atin ng napakagandang kinabukasan, na ibang-iba sa pinangangambahan ng karamihan.
 
kayang kaya naman so far
I believe you.

Hindi lahat ng tao naghahanap ng kahulugan ng buhay. Basta may pagkain, tirahan, at "lovelife" solve na.
Hindi lahat ng tao iniisip kung interesante nga ba ikuwento ang buhay nila sa susunod na henerasyon.
Kuntento na sila na bumisita lang sila sa mundo. Isang mukha na lumitaw at naglaho lng sa limot.
Walang sariling boses, bagkus tigaulit lng ng sinabi ng iba. Sunod sa uso, para lang in. Baka sakaling makalimos ng kaunting pansin sa madla.
Yan ang nakakalungkot na at malamang na sitwasyon ng mga tao, regardless kung may relihiyon o wala.
 
I believe you.

Hindi lahat ng tao naghahanap ng kahulugan ng buhay. Basta may pagkain, tirahan, at "lovelife" solve na.
Hindi lahat ng tao iniisip kung interesante nga ba ikuwento ang buhay nila sa susunod na henerasyon.
Kuntento na sila na bumisita lang sila sa mundo. Isang mukha na lumitaw at naglaho lng sa limot.
Walang sariling boses, bagkus tigaulit lng ng sinabi ng iba. Sunod sa uso, para lang in. Baka sakaling makalimos ng kaunting pansin sa madla.
Yan ang nakakalungkot na at malamang na sitwasyon ng mga tao, regardless kung may relihiyon o wala.
malungkot talaga iyan kapag di mo ikasasaya ang ikasasaya ng iba hehe
 

Similar threads

Back
Top