What's new

Tutorial Ang Pangmalas ng Diyos sa mga Patay

Gentleman007

Forum Expert
Elite
Joined
Sep 19, 2016
Posts
3,556
Reaction
7,216
Points
2,570
TUNAY ngang nakapipighati ang kamatayan ng isang minamahal. Di-maarok ang damdamin ng pangungulila, kalungkutan, at kawalan. Ang isang tao ay nawawalan ng pag-asa dahil sa pangungulila, sapagkat gaano man kalaki ang kayamanan, kapangyarihan, o impluwensiya na taglay niya, walang sinuman ngayon sa lupa ang makabubuhay muli sa isang taong patay.
Gayunman, iba naman ang pangmalas ng ating Maylalang. Yamang siya ang nag-anyo sa unang tao mula sa alabok ng lupa, kaya rin niyang lalangin muli ang isang taong patay. Sa kadahilanang ito, minamalas ng Diyos ang mga patay na parang mga buháy. May kinalaman sa tapat na mga lingkod noong una na namatay na, sinabi ni Jesus: “Silang lahat ay buháy sa kaniya,” na sa ibang pananalita, sila’y buháy sa pangmalas ng Diyos.—Lucas 20:38.
Samantalang nasa lupa, si Jesus ay binigyang-kapangyarihan na bumuhay muli ng patay. (Juan 5:21) Kaya, taglay niya ang pangmalas ng kaniyang Ama sa mga namatay na tapat. Halimbawa, nang mamatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Maglalakbay ako . . . upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” (Juan 11:11) Sa pangmalas ng tao, si Lazaro ay patay, subalit para kay Jehova at kay Jesus, si Lazaro ay natutulog.
Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Jesus, magkakaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Sa kalaunan, ang mga binuhay-muli ay tatanggap ng edukasyon mula sa Diyos at magkakaroon ng pag-asa na buhay na walang hanggan sa lupa.—Juan 5:28, 29.
Oo, ang kamatayan ng isang minamahal ay maaaring pagmulan ng labis na pighati at kalungkutan, na maaaring tumagal nang mga taon. Gayunpaman, magdudulot sa atin ng malaking kaaliwan at malilipos tayo ng pag-asa kung mamalasin natin ang mga patay ayon sa pangmalas ng Diyos.—2 Corinto 1:3, 4.
 

Similar threads

Back
Top